Mga lalabag sa QC bike helmet rule di muna titiketan

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2020 02:20 PM

Bumibiyahe sa bike lane sa may Quezon City ang isang siklista, Setyembre 23, 2020. Mark Demayo, ABS-CBN News/File

MAYNILA - Hindi muna huhulihin at titiketan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang mga siklisting hindi nagsusuot ng helmet.

Ipatutupad sana simula Huwebes, Oktubre 15, ang ordinansa ng lungsod laban sa mga siklistang hindi nagsusuot ng helmet.

Pero ayon kay Elmo San Diego, tagapamuno ng Quezon City Department of Public Order and Safety, mamimigay muna ng 5,000 helmet ang lokal na pamahalaan sa mga biker na dumaraan sa lungsod bago ipatupad ang ordinansa.

Samantala, binabaan din ng Quezon City Council ang halaga ng multa para sa mga lalabag sa bike rule.

Nasa P300 ang multa para sa first-time offender, P500 sa second-time offender, at P1,000 sa third-time offender. Noong una'y naglalaro sa P1,000 hanggang P5,000 ang multa.

Nagpaalala naman ang lokal na pamahalaan sa mga bike rider na laging magsuot ng helmet para sa kanilang kaligtasan.

Naging popular na paraan ng transportasyon ang bisikleta matapos limitahan ang mga pampublikong sasakyan nang unang mag-lockdown sa Luzon dahil sa COVID-19 pandemic.

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.