Mga flower farm sa Albay nasalanta ng Bagyong Ofel

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2020 03:21 PM

Retrato mula kay Karren Canon

Nanghihinayang ang mga flower farmer sa bayan ng Daraga, Albay matapos masalanta ng ulang dala ng bagyong Ofel ang kanilang mga tanim.

Karamihan sa mga flower farmer ay nagsimulang magtanim noong Hunyo para maibenta ang mga bulaklak sa darating na Undas.

"Puwede pa naman ibenta 'yong mga bulaklak kung may gusto pang bumili," ani Jelma Poguilla, isa sa mga kumikita sa pagtatanim at pagbebenta ng mga bulaklak.

"Kung wala na, puwede pa naman namin itanim 'yong mga tumubong binhi sa mga nasirang puno ng bulaklak," dagdag niya.

Nagpapasalamat si Poguilla dahil kahit papaano'y nakabawi na siya sa puhunan. Marami na raw kasing bumili noong mga nakaraang buwan nang mamukadkad ang mga bulaklak.

Retrato mula kay Karren Canon

Iba-ibang klase ng bulaklak ang makikita sa mga flower farm sa bayan, na karamihan ay matatagpuan sa Barangay Matnog. 

Kasama rito ang puto-puto at burubotones, na ibinebenta ng P20 hanggang P35 kada sanga.

Umaasa ang flower farmers na kikita pa rin sila kahit na isasara ang mga sementeryo simula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4, isang hakbang para maiwasan ang mass gathering at ang pagkalat ng COVID-19.

Nagdala ngayong Miyerkoles ng pag-ulan sa timog na bahagi ng Luzon ang Bagyong Ofel, dahilan para magtaas ng storm signal sa ilang lugar.

— Ulat ni Karren Canon

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.