Libo-libong laptops, desktop computers na nakumpiska ng OMB ido-donate

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2020 08:25 PM

MAYNILA — Libo-libong desktop computers at laptop ang nasamsam ng mga operatiba ng Optical Media Board (OMB) sa raid sa bodega sa Marilao, Bulacan. 

Sinalakay ng mga operatiba ang naturang warehouse at doon tumambad sa kanila ang patong-patong na computers na nakakahon pa.

Tila refurbished o gamit na ang mga computer na may katabing mga bagong stickers ng iba't ibang brands para ipatong sa units at pagmukhain na bago ang mga ito.

"Pinapalitan nila na parang bagong operating system," sabi ni Christian Natividad, OMB chairman. 

Nasa 5,000 desktop computers ang nakumpiska at nasa 8,000 naman ang mga nakuhang refurbished laptops.

Sa inisyal na imbestigasyon, galing Korea, Japan, at China ang mga sinasabing smuggled na produkto.

Pero kung dati ay dinudurog ang mga nakumpiskang produkto, balak ng OMB na i-donate ang mga ito sa mga estudyante na hindi makabili ng gadgets para sa distance learning.

Umaabot sa P200 milyong halaga ng mga nakumpiskang computer ang inaasahang mapapakinabangan.

Nahaharap naman sa iba't ibang kaso ang nagpapatakbo ng warehouse at ang nasa likod ng umano'y smuggling.  —Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.