MAYNILA (UPDATE) — Nag-inspeksyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ngayong Miyerkoles kasama ang Korte Suprema sa Manila Bay sa gitna ng mga kumakalat na larawan ng dolomite white beach na mistulang naaagnas umano dahil sa patuloy na pag-ulan.
Pinangunahan nina Environment Secretary Roy Cimatu kasama si Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta ang pagsilip sa synthetic white sand sa bahagi ng Manila Bay.
Sa gitna naman ng mga batikos, dinepensahan ni Environment Undersecretary Benny Antiporda ang crushed dolomite na nakalatag sa bahagi ng Manila Bay.
"Ang panalangin ko kung magkakaroon ng aberya, mangyari na siya ngayon para ngayon pa lang magawan na ng aksyon ng contractor. Huwag na 'yung pag na-turn over na sa atin,” ani Antiporda.
Aniya, hindi na-wash out ang crushed dolomite sand kundi nag-wash in o natabunan ito ng itim na buhangin mula sa Manila Bay.
“What I see is, wash in po siya, hindi wash out. Hindi nabawasan ang dolomite, nadagdagan ng black sand from the sea. Sa ilalim ng dagat, umangat,” sabi niya.
Hindi naman nagkomento si Peralta sa isyu ng dolomite dahil may nakabinbing mosyon ang grupong Akbayan sa Korte Suprema laban sa kontrobersyal na pagtatambak ng buhangin doon.
Gayunman, ikinatuwa ni Peralta ang pagtatayo ng sewerage treatment plant sa Manila Bay na lumilinis ng tubig mula sa 3 estero sa Metro Manila.
— Zhander Cayabyab, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Manila Bay, Manila Bay sand, dolomite beach, dolomite issue, Tagalog news, patrolph, DENR, Benny Antiporda, Korte Suprema dolomite