Daan-daang cargo trucks, pasahero stranded sa Batangas port dahil sa bagyo

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2020 07:39 PM | Updated as of Oct 15 2020 12:02 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Daan-daang mga pasahero at mga truck na patungong Mindoro, Romblon at Iloilo ang stranded sa Batangas port matapos suspendihin ang biyahe ng mga barko dahil sa bagyong Ofel.

Kanselado simula pa Miyerkoles ng umaga ang biyahe kaya umabot na sa higit 200 mga truck na may mga dalang produkto ang hindi nakaalis.

Patungo sana sila sa Mindoro at ilang bahagi ng Visayas.

"Pauwi na kami ng Iloilo eh nai-stranded kami, may bagyo daw... Walang magawa, mag-aantay kami kung kailan 'yung biyahe," ani John Paul Jales, truck driver.

"Mahirap, walang liguan, nakakainip, mahal pa pagkain dito," hinaing naman ni Leo Gapito, isa pang driver.

Halos 60 ring mga pasahero ang stranded sa loob ng Batangas port.

Pero may higit pang 100 ang stranded na mga hindi na pinayagang makapasok sa loob pier.

Ngayon na sana ang kanilang biyahe pauwi ng Mindoro matapos makakumpleto ng mga requirements pero minalas na inabutan ng bagyo.

Karamihan sa kanila mga nawalan ng trabaho sa Maynila na nagdesisyong umuwi na lamang sa probinsiya.

Samantala, nakaalerto na ang Batangas City sa bagyong Ofel.

Nakahanda na ang mga rubber boat at nakaposisyon na rin ang mga sea ambulance.

Inaasahang Miyerkoles ng gabi o Huwebes ng madaling araw mararamdaman ang bagyong Ofel sa Batangas City.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.