Bata nahulog mula sa ika-4 na palapag ng gusali sa Taguig

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2020 08:29 AM

MAYNILA - Sugatan ang isang 12 anyos na lalaki matapos siyang mahulog mula sa ikaapat na palapag sa tinitirhan niyang gusali sa Western Bicutan, Taguig City Martes ng gabi. 

Sa ulat ng Southern Police District, saglit lumabas ang nanay at nakatatandang kapatid ng bata nang mangyari ang insidente bandang alas-6:40 ng gabi. 

Kuwento ng kuya ng biktima sa pulis, pumunta ang kanilang 40 anyos na nanay sa mga kapitbahay bandang alas-6:30 para manghiram ng cellphone na gagamitin sa pagsagot ng module ng mga anak.

Ayon sa report, walang trabaho ang magulang. 

Pagkalipas ng 10 minuto, bumaba naman ang kuya para bilhan ng pagkain ang bata na nagutom. Grade 7 student ang biktima.

Pero pagbalik ng kuya ng alas-6:40, nadatnan niya ang isa nilang kapitbahay na buhat-buhat ang bata at sinabing nahulog siya mula sa 4th floor kung nasaan ang kanilang unit papunta sa maputik na bahagi ng ground floor ng building. 

Agad itinakbo ang bata sa Ospital ng Makati kung saan siya inoobserbahan. 

Iniimbestigahan ang kaso ng women and children's protection desk ng Taguig City police. - Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.