4 anyos patay, 1 sugatan sa salpukan ng commuter van, freezer van sa Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2020 09:00 PM | Updated as of Oct 14 2020 10:32 PM

Sugatan ang isang 22 taong gulang na lalaki matapos bumangga ang minamaneho niyang commuter van sa kasalubong na forward freezer van sa Matalam, Cotabato ngayong Miyerkoles. Nasawi rin ang 4 anyos na anak nito. Maricel Butardo

COTABATO — Nasawi ang isang 4 anyos na batang lalaki, at sugatan naman ang 22 anyos niyang ama nang bumangga ang commuter van na minamaneho ng huli, sa kasalubong na forward freezer van sa munisipalidad ng Matalam sa lalawigan ng Cotabato ngayong Miyerkoles.

Nangyari ang banggaan sa National Highway ng Purok 1, Barangay Kilada pasado alas 2 ng hapon.

Ayon sa hepe ng Matalam Municipal Police Station (MPS) na si Police Capt. Junrel Amotan, papunta sa kalapit na bayan ng Kabacan ang mag-ama nang bigla itong lumipat sa lane ng forward freezer van.

Madulas ang kalsada dahil umuulan nang mangyari ang insidente.

Nagsalpukan ang isang commuter van sa kasalubong nitong forward freezer van sa Matalam, Cotabato ngayong Miyerkoles. Maricel Butardo

Nagtamo rin ng minor injury ang driver ng forward freezer van, na puno ng dressed chicken mula Cagayan de Oro City at papuntang Digos City.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Matalam MPS ang driver ng forward freezer van na posibleng sampahan ng reckless imprudence resulting in homicide, serious physical injury, at damage to property.

— May ulat ni Maricel Butardo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.