Pagbabalik-normal ng LRT-2 operations sa Disyembre pinag-aaralan

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2019 06:37 PM

Pinag-aaralan ngayon ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na ibalik ang operasyon ng LRT-2 sa Disyembre.

Unang nabanggit ng LRTA na aabutin ng 9 buwan bago muling mabuksan ang Santolan, Katipunan, at Anonas stations - na pawang naapektuhan ng sunog sa riles ng tren.

"By Christmas 'yun ang objective natin. That is, depende sa magiging resulta ng paghihimay sa nasirang parts," ayon kay Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRTA.

Ayon kay Cabrera naghahanap na sila ng paraan na mapalitan ang rectifier ng riles, na nasunog sa istasyon.

"Yung mga engineers namin nag uusap na ngayon, tinitingnan nila kung pano ang pinaka mabilis na pag replace sa rectifier," ani Cabrera.

Plano rin ng LRTA na magdagdag ng isa pang tren. Pero hindi pa raw ito matiyak dahil isasaalang-alang nila ang kaligtasan ng mga pasahero.

Nasa Recto hanggang Cubao at pabalik pa rin ang biyahe ng LRT-2 pero inagahan ito ng alas-5 ng umaga ang unang biyahe ng LRT.

Alas-8:30 ng gabi naman ang huling biyahe sa Cubao, habang alas-9 ng gabi ang huling biyahe sa Recto station.

-- Ulat nina Jekki Pascual at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.