Dating Red Cross volunteer kalaboso dahil sa 'panggagahasa' sa dalagita

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2019 12:28 PM | Updated as of Oct 14 2019 03:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA — Inaresto ang isang dating volunteer instructor ng Philippine Red Cross na 3 taon na nagtago matapos makasuhan dahil sa panggagahasa umano sa isang 13-anyos na estudyante.

Papunta sana sa court hearing sa Manila City Hall ang suspek na si Jomar Torres nang isilbi ng mga pulis ang arrest warrant laban sa kanya.

Naging first aid trainer si Torres ng biktimang ayon sa kaniyang mga magulang ay nagpakita ng kakaibang ugali tulad ng pagiging mainitin ng ulo, pagkatulala, hirap sa pagtulog at madalas na pag-iyak bago magtapat na ginahasa umano siya ng suspek.

"Pinakain daw siya ng pampatulog. Dinala siya sa motel sa Recto. Nagising na lang daw siya, nakahubad na siya, masakit ang katawan niya," sabi ng ama ng dalagita.
 
"Ang hangarin lang ng anak namin, makatulong po sa kapwa. Hindi naman ini-expect na may taong ganyan na gagawan siya ng masama," dagdag ng ina ng bata.

Naulit pa anila ang krimen matapos umanong takutin ng suspek ang bata na papatayin ang kaniyang pamilya at susunugin ng kanilang bahay.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang suspek na nahaharap sa kasong rape at child abuse.

Hindi rin nagbigay ng pahayag ang Philippine Red Cross, pero ayon sa isang miyembro nitong nakausap ng ABS-CBN News, noon pang 2016 hindi konektado sa organisasyon ang suspek.

Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.