Babaeng namasukang kasambahay, ninakawan ang amo sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2019 03:44 PM | Updated as of Oct 14 2019 04:07 PM

MAYNILA- Tinangay ng isang babaeng namasukan bilang kasambahay ang halos P55,000 na halaga ng alahas at mga gamit mula sa bahay ng kaniyang amo sa lungsod ng Pasay.

Nakuha ng 53-anyos na suspek na si "Josie De Guzman" ang ilang mga alahas, P2,000 na pera, at cellphone na nagkakahalagang P40,000 nang mamasukan ito kina Kirsten Saguinsin noong Miyerkoles, Okt. 9.

Ayon kay Saguinsin wala pang isang araw na namamasukan sa kanila si De Guzman nang pagnakawan sila.

"Lahat po ito nangyari in 1 day. October 9 po pumasok siya, Oct. 9 din po tumakas siya," aniya sa isang panayam sa DZMM.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nirekomenda umano ng basurero sa kanilang lugar si De Guzman, na nanggaling pa umanong Cebu.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na posibleng hindi "Josie De Guzman" ang tunay na pangalan ng suspek, ayon sa imbestigador ng kaso na si Police Major Marvin Oloan.

Paliwanag pa ni Oloan, mahirap din na makumpirma ang pagkakakilanlan ng suspek dahil wala siyang pinasang mga dokumento sa pamilya ng biktima.

"Wala naman tayo basehan na masasabi kasi wala naman dokumento na binigay sa mga complainant," aniya.

Pinaalalahanan din ni Oloan ang mga maybahay na naghahanap ng kasambahay na huwag agad magtitiwala sa mga aplikante.

"Sana po huwag tayo magtiwala agad sa kung sino 'yung pumapasok na katulong sa atin. Dapat po mayroon tayong requirements bago natin tanggapin," ani Oloan.

Nanawagan naman ang pulis na ipagbigay alam sa kanila ang anumang impormasyon na maaaring makatulong sa paglutas ng kaso sa 09950350313.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.