Albayalde nagbitiw bilang PNP chief ilang linggo bago nakatakdang magretiro

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2019 01:37 PM | Updated as of Oct 14 2019 08:04 PM

Dati nang idiniin si dating PNP chief Oscar Albayalde sa pagpoprotekta umano ng mga ninja cops na nagre-recycle umano ng droga. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Ilang mambabatas: Albayalde dapat pa ring managot sa isyu ng 'ninja cops' 

MAYNILA - Nagbitiw na nitong Lunes, Oktubre 14, si Philippine National Police chief Oscar Albayalde sa gitna ng isyu ukol sa ninja cops o mga tiwaling pulis na sangkot sa pagre-"recycle ng droga."

Gayunman, nanindigan ang ilang mambabatas na dapat pa ring harapin ni Albayalde ang mga kontrobersiyang ibinabato laban sa kanila. 

Sa flag-raising ceremony ng Philippine National Police, sinabi ng dating hepe na sasailalim siya sa "non-duty" status, hudyat na aalis na siya sa kaniyang puwesto. 

"After careful thought and deliberation, I have come to the decision to relinquish my post as Chief PNP effective today and go on non-duty status," aniya. 

Nakatakda sanang magretiro si Albayalde sa Nobyembre 8. Isang taon at 6 na buwang umupo si Albayalde bilang ika-22 hepe ng PNP. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Noong Oktubre 9, idiniin ni retired Gen. Rudy Lacadin - na nag-imbestiga sa kaso ukol sa kuwestiyonableng drug raid sa Mexico, Pampanga noong 2013 - si Albayalde sa pagkasangkot umano nito sa mga "ninja cops" na nagre-recycle umano ng droga. 

Nasabi raw noon ni Albayalde, na dating hepe ng Pampanga Police, na may "kaunting napunta" sa kaniya sa nabanggit na drug raid. 

Si dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief at ngayong Baguio City Mayor Gen. Benjamin Magalong ang nag-atas kay Lacadin na imbestigahan ang kaso. 

Pinabulaanan naman ni Albayalde ang mga akusasyon at sinabing paninira lamang ang bintang sa kaniya. 

Tinanggap na rin ni Interior Secretary Eduardo Año "accepted and favorably endorsed to the President" ang kaniyang intensiyon na mag-"non-duty status" 

Tumanggi naman ang Malacañang na may nang-"pressure" kay Albayalde na magbitiw sa kaniyang puwesto. 

"He (Albayalde) wants to spare the entire organization from whatever speculation, bad or false, about shame in the organization," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo. 

Magugunitang nanindigan si Albayalde na wala siyang balak magbitiw at nasa Pangulo na kung sisibakin siya nito. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa eksklusibong panayam sa ABS-CBN News aminado si Albayalde na ang pamilya niya ang isa sa mga dahilan kung bakit siya nagbitiw sa puwesto. 

Nagpasalamat pa rin siya kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtalaga sa kaniya bilang hepe ng PNP. 

Patunay anya ito na kinilala ng pangulo ang kaniyang serbisyo sa PNP. 

Pero aniya, masama pa rin ang loob niya dahil nagsipulasan umano ang mga taong inaasahan niyang magtatanggol sa kanila. 

Watch more in iWant or TFC.tv

NINJA MOVES? 

Pero kahit pa man nagbitiw si Albayalde sa puwesto, nanindigan ang ilang mambabatas na dapat pa rin itong managot sa kontrobersiya sa ninja cops. 

"Apart from his resignation, General Albayalde should be held accountable and not be allowed to let the issue of the 'ninja cops' quiet down and be recycled into another post," ayon kay Alliance of Concerned Teachers Rep. France Castro. 

Para kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, dapat pa ring harapin ni Albayalde ang mga kasong posibleng isampa laban sa kanila. 

"He (Albayalde) and all the rest should be charged for at the very least enriching themselves using their government office -- regardless of their having resigned," ani Pangilinan. 

may pahayag din si Sen. Panfilo Lacson sa pagbibitiw ni Albayalde. 

"His statements prior to his formal announcement today to relinquish command of the 190,000 strong police force have somehow diminished the redeeming value of his intent to spare the PNP from the so-called ‘ninja cops’ controversies," ani Lacson. 

Si Police Lt. Gen. Archie Gamboa ang hahalili kay Albayalde bilang officer-in-charge ng PNP. Naging kaklase ni Albayalde si Gamboa sa Philippine Military Academy. 

Lumutang na ang pangalan nina National Capital Region Police Office chief Guillermo Eleazar, PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Archie Gamboa at PNP Chief Directorial Staff Lt. Gen. Camilo Cascolan sa mga posibleng humalili sa kaniya. 

Hiling naman ni Albayalde na sana ipagpatuloy ng susunod na PNP chief ang mga nasimulan niyang mga programa para sa pulisya. -- Ulat nina Sherrie Ann Torres, Henry Omaga Diaz, at Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.