2 lalaki patay sa pagsalpok ng motor sa tumatawid na aso; aso patay rin

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2019 05:02 PM

Sa bilis ng motor, tumilapon ang sakay nito maging ang natamaan nilang aso. Pawang namatay ang mga nasangkot sa aksidente. Screengrab

Patay ang magkaibigang estudyante matapos bumangga sa tumatawid na aso ang sinasakyang motorsiklo sa Cabuyao, Laguna.

Namatay din ang asong nabangga sa aksidente.

Kinilala ang dalawang estudyante na sina John Bryan Mendoza, 18, at Jeff Harvey Tampipi, 17.

Base sa kuha ng CCTV nong Biyernes ng hapon, minamaneho ni Mendoza sa NIA Road, Barangay Baclaran ang motor nang biglang bumangga sa isang aso.

Dahilan ito para tumilapon ang dalawang nakasakay, na agad namatay matapos ang aksidente.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Cabuyao police na mabilis ang takbo ng motorsiklo na minamaneho.

Wala ring lisensya si Mendoza at wala rin itong suot na helmet.

Kuwento ng ina ni Tampipi na si Nida, ayaw umano magsuot ng helmet ng kaniyang anak dahil malapit naman daw ang pupuntahan nito.

“Lagi po nakahanda ang helmet, ayaw po talaga maghelmet,sinasabihan po ng ama maghelmet nga kayo, sabi malapit lang naman daw,” ani Nida.

Kapwa namang walang balak na magsampa ng kaso ang pamilya ng mga biktima sa may-ari ng aso.

Pero nanawagan ang ama ni Mendoza na si Sofronio na tulungan sila ng may-ari ng aso sa gastusin sa pagkamatay ng kanilang anak.

Paalala ng mga awtoridad, laging magsuot ng helmet ang mga sasakay sa motorsiklo.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.