Lalaking nagmamaneho ng kotse, patay sa pamamaril sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2018 07:15 PM

Watch more in iWantTFC

Napatay ang isang 60 anyos na lalaki matapos pagbabarilin ng mga nakamotorsiklong salarin sa lungsod ng San Fernando, Pampanga noong Sabado.

Sa imbestigasyon ng pulis, nakahinto ang sasakyan ng biktimang si Fermin Jun Malonzo sa MacArthur Highway, Barangay Dolores nang biglang sumulpot ang riding-in-tandem na bumaril sa kaniya.

Hindi naman nasaktan ang dalawang kasama ng biktima na nakasakay sa likod ng sasakyang minamaneho nito.

Nakuhanan ng CCTV ang umano ay pagbuntot ng mga nakamotorsiklong salarin sa sasakyan ni Malonzo.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng bala ng baril.

Palaisipan pa rin sa pamilya ang motibo sa krimen lalo at wala naman daw kaalitan ang biktima.

Minaliit na ng pulisya ang anggulong pagnanakaw dahil hindi naman kinuha ang mga gamit at pera ng biktima, ani Superintendent Levi Hope Basilio, hepe ng San Fernando police.

"Inaalam lahat namin ang mga posibleng motibo nito," ani Basilio.

May citizenship sa Amerika ang biktima, na dati ring nagtrabaho roon bilang kartero.

--Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.