Ilang bus drivers, takot bumaba ang sahod kung 'fixed rate'

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2018 07:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nangangamba ang ilang bus drivers na bumaba ang kanilang mga sahod kapag ipinatupad ang utos na magbibigay sa kanila ng "fixed rate" na buwanang sahod.

Pinaboran noong nakaraang buwan ng Korte Suprema ang isang utos na inilabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Labor and Employment (DOLE0) na layong gawing "part-fixed-part-performance-based" ang pagpapasahod sa mga driver at konduktor ng bus.

Sa ilalim ng "part-fixed-part-performance-based" na sistema, hindi bababa sa minimum wage ang sahod ng mga driver kada buwan.

Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, kumikita ng higit P30,000 kada buwan ang mga driver na sina Allan Bernabe at Romeo Manuel.

Kaya para kay Bernabe, mas gusto pa rin niya ang pasahod na ibinabase sa komisyon.

"Mas maganda po komisyon. Mas maganda po ang kita roon kaysa sa mga basic eh, maliit eh," ani Bernabe, 41 anyos at walong taon nang bus driver.

Kung ang city bus driver na si Romeo Manuel naman daw ang tatanungin, sang-ayon siya sa fixed rate na buwanang sahod kung matutumbasan nito ang higit P1,000 take-home pay niya kada araw.

Sa ilalim din ng itinutulak na sistema, walong oras lang dapat magtatrabaho ang mga driver at konduktor, at kapag lumagpas ay babayaran sila ng overtime pay.

Magkakaroon din sila ng night differential o ibang rate sa suweldo kapag gabi nagtrabaho, at membership sa Social Security System (SSS), Pag-IBIG, at PhilHealth.

Dahil "part-performance" din ang sahod, ibig sabihin, kapag walang bangga o aksidente, nasa oras ang biyahe at hindi madalas lumiban ang driver, may karagdagang siyang matatanggap na sahod o incentive. 

Hindi pa man epektibo ang pagbabago sa sahod, hangad lang ng mga driver gaya nina Bernabe at Manuel na sumapat pa rin ang kanilang matatanggap para sa kanilang mga pamilya.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.