Delivery driver, inaresto dahil may 'shabu' sa ipina-deliver na package

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2018 09:02 AM | Updated as of Oct 14 2018 07:34 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA - Inaresto ang isang delivery driver ng isang transport network vehicle service (TNVS) matapos madiskubre na may ilegal na droga pala sa package na ipinadeliver sa kaniya. 

Ayon kay alyas Kenneth, 4 araw pa lamang siya nagtatrabaho bilang parcel at courier delivery driver ng TNVS at hindi niya akalain na dahil sa trabahong ito ay masasangkot siya sa illegal na droga.

Kuwento niya, isang Matthew Tatum ang nag-book sa kanilang app at nagpa-pick up sa Brookeside Subdivision sa Cainta, Rizal ng ipapadeliver na pagkain sa Bureau of Immigration (BI) detention cell sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Pagdating niya sa lugar ay isang Vince De Leon ang nag-abot sa kaniya ng 2 kahon ng donut na kaniyang ihahatid.

Sinilip naman umano nita ang laman ng mga box at nakitang mga donut ang nasa loob kaya hindi na siya nag-alangan na ihatid ang mga ito.

Pero pagdating sa detention facility ng BI, inamoy ng K9 ang kahon ng donut at umupo ang aso-- sensyales na may naamoy na droga sa loob ng kahon.

Dito na binuksan ni K9 handler Darwin Cona ang kahon, ininspeksyon isa-isa ang mga lamang donut at doon na tumambad ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu. 

Hawak ng Bureau of immigration detention facility ang suspek at inihahanda na ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.