Binaril na dating mayor ng Samar, pumanaw na

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2018 10:46 PM | Updated as of Oct 14 2018 11:22 PM

SAN JOSE DE BUAN, Samar -- Pumanaw na ang dating alkalde ng bayang ito na si Ananias Rebato.

Kinumpirma ito ng Samar Police Provincial Office. Ayon sa anak ng dating alkalde na si Arnel Rebato, pumanaw ang kaniyang ama Sabado ng gabi sa Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City.

Inoperahan sa mata si Ananias matapos tamaan ng bala dahil sa pamamaril.

Lunes ng madaling araw nang masangkot sa pamamaril ang dating alkalde. 

Napatay sa insidente ang pamangkin na bodyguard ni Ananias. Namatay rin ang hindi nakilalang salarin.

Bago ang pamamaril, inanunsiyo ni Ananias na tatakbo siya bilang bise alkalde sa susunod na halalan.

Inako naman ng nagpakilalang Arnulfo Ortiz Command ng New People's Army ang krimen.

Ayon sa kanila, paniningil sa mga naging kasalanan ni Ananias ang kanilang ginawa.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente. Kinasuhan na rin ang isang lalaking hindi umano'y sangkot sa pamamaril

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.