7 arestado sa operasyon kontra droga sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2018 10:15 PM

MAYNILA - Sa kulungan ang bagsak ng pitong tao, kabilang na ang dalawang babae, sa operasyon ng pulisya sa Malumanay Street, Sikatuna Village sa Quezon City Linggo.

Sa bisa ng isang search warrant, hinalughog ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency at District Drug Enforcement Unit ng Quezon City Police District ang tinutuluyang bahay nina alyas Noli at Rolly na target ng operasyon.

Natiyempuhan sa loob ng bahay ang dalawa na sinasabing sangkot sa bentahan ng ilegal na droga. Nakuha sa kanila ang 13 sachet ng hinihinalang shabu.

Bukod sa dalawang target, natiyempuhan rin sa lugar ang lima pang sinasabing kasabwat ng mga suspek.

Tinatayang nasa 10 gramo ang nakumpiskang droga na may street value na P68,000.

Haharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga naaresto. - ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.