4 estudyante sa kolehiyo inaresto sa buy-bust sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2018 08:41 AM

MANILA - Arestado ang 4 estudyante sa kolehiyo sa isang buy-bust operation ng pulisya sa Maynila.

Inaresto ang 4 estudyante matapos silang mahulihan ng tinatayang 2 kilo ng marijuana ng mga operatiba ng Manila Police District Station 5 drug enforcement team sa CM Recto, Sampaloc, Maynila.

Dalawang bloke ng marijuana na may bigat na tig-isang kilo ang nakuha mula kina alyas Richmond, 20 anyos; Glen 20 anyos; Miguel 19 anyos; at Sonny Boy, 18 anyos, na mga estudyante mula sa ibat-ibang kolehiyo.

Ayon sa pulisya, P10,000 na halaga ng marijuana ang binili ng mga operatiba mula sa apat. Sa loob ng sasakyan ng grupo na nakaparada sa gilid ng Recto naganap ang bentahan.

Dahilan ng mga suspek, kakulangan sa perang pambayad sa eskuwelahan kaya nila nagawang pumasok sa pagbebenta ng droga.

Kakasuhan sila ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

- Ulat nina Jekki Pascual at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.