2 patay sa Maynila matapos 'manlaban' sa buy-bust

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2018 08:03 AM

MANILA - Dalawang drug suspek ang napatay ng pulisya matapos umano silang manlaban sa buy-bust operation sa Parola compound sa Maynila.

Nagsagawa ng operasyon ang mga pulis laban sa dalawang kinilala lang sa alyas na Juri at Nobu.

Matapos ang transaksiyon, nakilala umano ng isa sa mga suspek na pulis ang kausap. Ang pulis na nagpanggap na buyer kasi ay dati nang humuli sa suspek kaya siya namukhaan.

Nagpaputok agad ng baril ang mga suspek at gumanti naman raw ang pulis. Natumba ang pulis pero hindi ito nasugatan dahil sa suot na bullet proof vest. Nagpaputok din ang ibang pulis at nabaril ang dalawang lalaki. Isinugod sila sa ospital pero idineklara rin na dead on arrival.

Ayon sa mga pulis, kilabot na tulak ng droga ang dalawa. Nakuha sa kanila ang mahigit isang dosenang sachet ng hinihinalang shabu.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.