SOCO: 2 dalaga, patay sa pananaksak

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2017 01:32 PM

Naudlot ang pagtulog ng pamilya Bugarin nang matagpuan nilang duguan ang magpinsang sina Rowena at Vanessa Bugarin, parehong 19 anyos, sa kanilang tahanan sa Brgy. Paras, Sto. Domingo, Ilocos Sur.

Kuwento ng kamag-anak ng mga dalaga, nagpasyang matulog ang dalawa sa compound ng mga Bugarin pasado alas-8 ng gabi noong Disyembre 6, 2015.

Makalipas ang ilang sandali, may narinig anila na komosyon si Luz Bugarin, ina ni Vanessa, at ang kaniyang mister sa labas ng kanilang bahay.

“[May] sumisigaw na ‘Halina kayo! May nangyari sa bata. Nasaksak ‘yung mga bata.’”

Dinala kaagad ang mga biktima sa ospital, pero pareho silang idineklarang dead on arrival.

"Pagdating namin sa lugar, ‘yung mga biktima ni-rush na ng mga kapitbahay sa ospital," ayon sa on-case investigator na si PO2 Maximo Ramos Jr.

Bagaman wala na ang mga biktima, naiwan pa rin ang mga bakas ng krimen.

Sa pagsisiyasat ng mga awtoridad sa crime scene, natagpuan nila ang isang singsing na babad sa dugo. Natukoy na hindi ito pag-aari ng dalawang biktima.

Sa post-mortem examination, nagtamo ng multiple stab wounds sa katawan ang dalawang biktima.

Halos sabay ipinanganak ang dalawa noong taong 1996, kaya naging malapit anila sila sa isa’t isa. Sabay din nangarap ang mga dalaga para sa kani-kanilang pamilya.

“Sabi niya sa akin, [mag-aaral] siyang mabuti para mapaganda ang buhay naming mag-iina,” kuwento ni Buena Bugarin, ina ni Rowena.

“’Pag nakatapos ng pag-aaral, sabi niya, mag-aabroad daw siya para may kinabukasan siya pagdating ng araw.”

“Gusto po niya ‘pag nakatapos siya ay makatulong sa pamilya niya at sa kaniyang mga kapatid,” pag-alala naman ni Luz sa kaniyang anak na si Vanessa.

Sino nga ba ang salarin sa krimeng ito? Sundan ang dokumentong pagsisiyasat sa ‘SOCO: Scene of the Crime Operatives’ ngayong Sabado, 4 p.m. pagkatapos ng ‘Ipaglaban Mo!’

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.