MMDA, inirekomendang gawing holiday ang ASEAN summit week

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2017 10:06 PM

Inirekomenda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Malacañang na ideklarang holiday ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit na gaganapin sa bansa sa Nobyembre 10 hanggang 14.

Ito ay dahil sa inaasahang pagbigat ng trapiko sa pagdating ng mga delegasyon at lider ng ASEAN at iba pang mga partner, at dahil magpapatupad ng stop-and-go traffic scheme kapag dadaan ang kanilang convoy.

Sa panayam ng Radyo Patrol, sinabi ni Celine Pialago, tagapagsalita ng MMDA, na mas makabubuti na wala na lang pasok sa eskuwela at mga opisina para manatili na lang ang mga tao sa bahay.

Magugunitang marami ang na-stranded sa traffic noong Asia-Pacific Economic Cooperation summit noong 2015 para bigyan ng maayos na transportasiyon ang mga world leader.

Ang Metro Manila Council ay nagsuspinde na ng pasok sa eskuwela sa lahat ng antas sa Nobyembre 16 at 17 para naman sa ASEAN-related meetings.

Sa ngayon ay tuloy-tuloy ang dry run para sa ASEAN convoy mula Clark, Pampanga hanggang Pasay tuwing Linggo hanggang sa mismong summit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.