Mataas na alerto pinapairal sa Cordillera region dahil sa bagyong Odette

Melinda Ramo, ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2017 11:41 AM

BAGUIO CITY - Naka-red alert pa rin sa ngayon ang Emergency Operations Center ng RDRRMC Cordillera dahil na rin sa bagyong "Odette."

Ayon kay Ivy Carasi, ang information and operations officer ng Office of the Civil Defense Cordillera, nananatiling nakaalerto ang mga awtoridad dahil sa malakas na hangin at ulan ang nararanasan sa Baguio City at ilang bahagi ng Benguet.

Sa Abra, Kalinga, Apayao, Ifugao, Mt province ay nararanasan ang maulap at mahinang pag-ulan.

Ayon sa PAGASA, palabas na ng PAR ang bagyo ngayong araw ngunit binabantayan pa rin dito ng OCD Cordillera dahil kadalasan ay mas malakas ang buntot ng bagyo. 

Lahat din ng National Roads sa Cordillera ay bukas na sa mga sasakyan maging ang lahat ng kalsada papasok at palabas ng Baguio City. Pero pinapayuhan ng DPWH ang mga motorista na iwasang dumaan sa Kennon Road dahil accident prone area ito.

Samantala sa Apayao, natagpuan na kagabi ang bangkay ng isang magsasakang inanod ng tubig baha.

Pinapayuhan ang mga residente ng cordillera na mag-ingat at iwasan munang mag-biyahe.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.