Lalaking pipi't bingi, patay nang masagasaan ng tren

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2017 08:25 PM

Patay ang isang lalaki na napag-alamang pipi't bingi matapos masagasaan ng tren habang tumatawid sa riles sa Tondo, Maynila nitong Sabado. 

Kinilala ang biktima na si Nelvin Gumarang, 26 anyos. 

Makikita sa kuha ng CCTV alas-8 ng umaga ang paparating na tren ng Philippine National Railways (PNR) sa lugar na sakop ng Brgy. 159.

Kita rin ang pagtawid ni Gumarang sa riles na huli na nang napansin ang paparating na tren. Hindi na siya nakaiwas at tumilapon nang ilang metro. 

Ayon sa kapatid ng biktima na si Ruby Roque, anim na taon na sa Maynila si Gumarang na nagtatrabaho bilang delivery boy.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa pamunuan ng PNR.

“Humihingi po ako ng tulong sa PNR, sa nangyari sa kapatid ko kasi iuuwi pa namin siya sa probinsya sa Cagayan Valley. Paano po namin iuuwi?” ani Roque. 

Naiwan din ni Gumarang ang kaniyang siyam na buwang gulang na sanggol at asawang pipi at bingi rin.

Ayon sa barangay, may nasagasaan din sa lugar kamakailan dahil hindi narinig ang tunog ng paparating na tren dahil naka-headseat ang biktima.

“Pag tatawid po, talaga stop, look, and listen para maiwasan po ‘yong mga aksidenteng ganyan,” payo ni Roland Cruz, kagawad ng Barangay 232. 
    
-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.