Higit 1,000 pasahero sa Iloilo airport, stranded dahil sa maling paglapag ng eroplano

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2017 07:12 PM

Stranded ang higit 1,000 pasaherong paalis at papunta ng Iloilo International Airport matapos lumagpas sa runway ng paliparan ang isang eroplano ng Cebu Pacific Biyernes ng gabi, dahilan para isara ito.

Sa damuhang bahagi ng paliparan napadpad ang eroplano pagkatapos lumapag sa runway.

Kuwento ng isa sa mga pasahero, delayed ang Cebu Pacific flight 5J461 (Manila-Iloilo) dahil ang naka-schedule na 8:35 p.m. ay pasado alas-10 na umalis ng Maynila.

Ayon naman sa pasaherong si Jem Bautista, nawalan pa ng ilaw ang eroplano at nakakita pa umano sila ng usok.
    
Sa mga larawang padala ni Loui Latoza, kitang isa-isang ibinaba sa eroplano ang mga pasahero't inasikaso sa loob ng paliparan.

Gayunpaman, laking pasalamat nila na ligtas sila sa kabila ng nangyari.

 'Saradong runway'

Isinara muna ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang runway ng paliparan dahil sa nangyari. Dagdag nila, lumapag sa malambot na bahagi sa dulo ng runway ang nose gear ng eroplano kaya nangyari ang insidente. 

“Masyadong maulan so lumalambot iyong dulo ng runway . . . Iyong ating accident investigator, ina-analyze pa kung ano talaga iyong nangyari,” ani Eric Apolonio, tagapagsalita ng CAAP.

Ayon naman sa pamunuan ng Cebu Pacific, ligtas ang lahat ng pasahero at crew ng eroplano.

Nakikipagtulungan din sila sa mga awtoridad para imbestigahan ang nangyari at para mapabilis ang pagbubukas ng runway.

Kanseladong flights

Ngayong araw, kanselado ang higit 20 flights sa Iloilo airport at higit 1,000 pasahero ang apektado.

BASAHIN: Mga kanseladong flight ng PAL at Cebu Pacific

Ang ilang mga pasahero, piniling magpa-book na lang sa Roxas City airport na higit dalawang oras ang layo sa Iloilo.

Target ng CAAP na maalis ang eroplano sa runway alas-7 ng gabi ngayong Sabado. 

“We will be extending until 7 p.m. We are on the process of clearing the runway and hope that it will be back to normal,” paliwanag ni Apolonio. 

--Ulat ni Jenel Baclay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.