Ex-OFW, nagkaproblema sa pensiyon dahil sa utang na di umano sa kaniya

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2017 06:08 PM | Updated as of Oct 14 2017 07:15 PM

Nangangamba ang isang dating overseas Filipino worker (OFW) sa lumobong utang niya sa Social Security System (SSS) na hindi naman umano siya ang nag-loan.

Sa tala ng SSS, mula P15,000 ay umabot na sa mahigit P100,000 ang salary at calamity loan mula pa noong 1994 na hindi naman umano ni-loan ni Efren Manoos, 60.

Hawak naman ni Manoos ang dokumentong nagpapatunay na nasa Saudi Arabia siya bilang OFW noong mga taon na kinuha umano ang loan.

Pero ayon sa SSS, wala na silang kopya ng mga records para sa taong 1994 para malaman sana kung si Manoos nga o iba ang nag-encash ng tseke. 

Sampung taon na lang mula ngayon ang natitirang papeles mula sa file nila. 

Pabalik-balik din sa Metro Manila ang taga-Laguna na si Manoos upang mag-follow up.

Dahil dito, naka-ambang mabawasan ang matatanggap na pensiyon ni Manoos para mabayaran ang utang na hindi naman umano niya napakinabangan.

"Aapela na siya doon sa ating Social Security Commission. Maaari silang magdesisyon kung papayagan nila na kaltasin ang loan na 'yan kay Mr. Manoos o hindi," paliwanag ni Maria Luisa Sebastian, tagapagsalita ng SSS. 

Dagdag pa rito, kailangang kumuha ni Manoos ng abogado para umapela sa nasabing komisyon.

Ire-refer naman ng 'Tapat Na Po' si Manoos sa Public Attorney's Office (PAO) upang matulungang makuha ang inaasam niyang retirement benefit at pensiyon.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.