CHR, ikinatuwa ang pagaatas sa PDEA sa laban kontra droga

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2017 02:31 PM

Tiwala ang Commission on Human Rights (CHR) na mas magiging alinsunod na sa batas ang mga drug operations sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa nilabas na pahayag ng CHR nitong Biyernes, sinabi nitong kumpiyansa sila na may sapat na kakayahan ang PDEA na puksain ang paglaganap ng droga sa bansa.

"We are hopeful and confident that with the professionalism and expertise of PDEA in implementing RA 9165, the campaign against drugs will be carried out with strict adherence to the rule of law," hayag ng CHR.

Ayon sa CHR, isa rin itong indikasyon na "nakikinig" ang administrasyon sa pulso ng mamamayan.

Matatandaang ipinaubaya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng isang memorandum ang pagpapatupad ng mga operasyong kontra droga sa PDEA mula sa Philippine National Police (PNP). 

Para sa CHR, panahon na para tutukan naman ng PNP ang paglutas sa mga sinasabing "vigilante killings" at ang mga patayan na naganap sa pagsasapatupad ng kanilang operasyon. 

"This new development is also a good indication that the administration listens to the public's clamor for the protection of human rights and mirrors their commitment to do so."

Ang CHR ay isa sa mga pinaka-bokal na kritiko ng administrasyon, partikular na sa mga polisiya nito hinggil sa pagsugpo ng droga, na ayon sa kanila ay tadtad ng mga paglabag sa karapatang pantao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.