Binatang nagbebenta ng marijuana online, arestado

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2017 07:59 PM

Inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Rizal ang isang 18-anyos na lalaki na nagbebenta umano ng marijuana gamit ang social media.

Nahuli sa buy-bust operation si John Emmanuel Aquino.

Social media umano ang ginagamit ni Aquino para makipag-transaksyon sa mga nagbebenta at bumibili ng marijuana.

“Para sa kanila, safest mag-transact online, walang nakakakita, pwedeng gumamit ng pekeng pangalan, identities,” sabi ni PDEA Agent Dheo Tabor. 

Hindi alam ni Aquino na asset ng PDEA Rizal ang nag-order ng marijuana mula sa isang online group na kinabibilangan niya.

Pasado alas-9 kagabi nang magkita sila sa may Imelda Avenue, Cainta, Rizal.

Matapos maiabot ni Aquino sa asset ang humigit-kumulang 500 gramo ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P25,000, agad na siyang inaresto.

Ayon kay Aquino, gusto lamang niyang matustusan ang kanyang pag-aaral.

“Ako lang po pinag-aabot niya pero hindi ko alam kung paano sila nagbibigayan ng pera. Gusto ko lang po mag-ipon para sa pampaaral ko. Ayoko na po kasi humingi ng pera sa magulang ko. Nahihiya lang po ako kasi may mga sakit po sila,” sabi ni Aquino.

Pero para sa ama ni Aquino na si Rico, kahit daw pilay ay nakakapag-hanapbuhay pa.

“Tiisin nya lang kung ano ang kaya natin. Wag lang gagawa ng ganyan. Bata pa naman yan baka pwede pang pagbaguhin yan. Kawawa naman kung makukulong,” sabi ng kanyang ama.

Pero desidido ang awtoridad na sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act si Aquino.

Patuloy naman ang pagbabantay ng PDEA sa drug transactions online para matugis ang pinanggagalingan ng iligal na droga.

Aminado ang PDEA Rizal na mas bumigat ang trabaho nila ngayong hands-off na ang pulisya sa anti-drug operations. 

“Mas may pressure ng konti sa amin kasi malaking kawalan din talaga yung numero ng PNP. Basically, ang iko-kober ay buong Rizal, which is medyo mahirap dahil sa kakulangan ng personnel,” sabi ni Tabor.

Noong Miyerkoles, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanging PDEA na lang ang ahensyang magsasagawa ng mga operasyon kontra droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.