AFP, ayaw nang magbigay ng petsa sa pagtatapos ng giyera

Raphael Bosano, ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2017 11:23 PM | Updated as of Oct 15 2017 12:58 AM

Nagbabantay ang mga tropa ng gobyerno sa harap ng mga nasirang bahay at gusali sa lungsod ng Marawi noong nakaraang buwan. Una nang sinabi ng militar na hindi na sila magbibigay ng deadline sa pagtatapos ng giyera sa lungsod, bagkus target na lang. File/Romeo Ranoco, Reuters

Walang patid ang bakbakan sa main battle area sa Marawi sa ika-145 araw ng krisis sa lungsod. 

Madaling araw pa lamang ay rinig na ang malalakas na putok ng baril. 

Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan, tuloy ang paglusob ng mga sundalo sa mga gusali. 

Ilang beses ding nagpakawala ng bomba ang FA-50 jets. 

Target ng assault ang Old Marqas Mosque kung saan nagtatago ang mga nalalabing miyembro ng Maute group. 

Una nang sinabi ng militar na hindi na sila magbibigay ng deadline sa pagtatapos ng giyera sa lungsod, bagkus target na lang. 

Ito'y para hindi na rin makadagdag sa pressure na nararamdaman ng mga sundalo sa main battle area. 

Kahit nasa loob na lang ng isang barangay ang mga miyembro ng Maute group, patuloy pa rin ang ronda ng mga tropa sa lake Lanao.

Sa ika-145 araw ng giyera, 817 na ang mga teroristang napaslang, 160 ang mga nasawing miyembro ng militar, habang 1,750 sibilyan naman ang nailigtas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.