20 litro ng langis, tumagas sa port sa Zamboanga

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2017 09:11 PM

20 litro ng bunker oil ang tumagas sa dalampasigan ng Sangali port area sa Zamboanga City, mula umano sa lumang pipelines ng Western Mindanao Power Corporation (WMPC).
    
Ayon kay Dennis Aguilar, safety officer ng WMPC, magkakarga sana sila ng langis sa cargo vessel patungo sa kanilang bodega sa barangay Sangali nang tumagas ang pipeline.
    
Sabi niya, halos dalawang dekada na ring hindi napapalitan ang pipeline kaya posibleng ito ang dahilan kung bakit tumagas ang langis.
    
Agad namang naglagay ng oil spill boom sa dalampasigan ang mga tauhan ng WMPC para makontrol ang pagkalat ng langis.

Mayroon din silang hinandang skimming machine ngunit hindi na ito nagamit dahil hindi naman umano kumalat ang langis.

Bukod pa dito, gumamit din sila ng dish washing liquid upang linisin ang dalampasigan.

Ayon naman sa Philippine Coast Guard, walang marine aqua products ang naapektuhan ng pagtagas ng langis. 

Ang WMPC, nangakong maglalaan ng budget para sa pagpapalit ng kanilang tumagas na pipeline.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.