PatrolPH

12-anyos kasamang nalunod nang sagipin ang 2 pang bata sa Las Piñas

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2021 06:27 AM | Updated as of Oct 13 2021 11:07 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Malagim ang sinapit ng paglalaro lang sana sa ulan ng grupo ng mga bata sa Barangay Pulanglupa Uno, Las Piñas Lunes.

Isa-isang inahon ang 3 nalunod na bata mula sa lawa ng tubig na naipon sa isang hukay malapit sa construction site.

Hindi na sila nailigtas nang dalhin sa Las Piñas District Hospital.

Mga residente ng Bernabe Compound ang mga namatay na sina Renz Lian Aquino, edad 7; Arkin Xavier Haresco, 9; at Alwayne Ross Tandoc, 12.

Ayon sa kaanak ng mga nakababatang biktima, hindi nila alam na tumungo sa lugar ang mga bata para maligo sa kasagsagan ng pag-ulan noong hapong iyon.

Tumalon sa tubig sina Renz Lian at Arkin Xiaver kahit sinabi ng kaibigang naunang lumangoy sa kanila na malalim ito. 

Hindi naman lumangoy noong una si Alwayne Ross, pero kuwento ng mga nakakita sa magulang, tumalon siya sa tubig para sagipin ang 2 nang humingi nang saklolo.

Pero pati siya nahirapang makaahon kaya nalunod din.

Proud pa rin ang kanyang pamilya sa ginawa ni Alwayne.

Humihiling ang mga pamilya ng tulong pinansyal para sa pagpapalibing sa mga bata.

Pero mas malaki ang kawalan sa kanila ng mga batang puno pa ng pangarap.

Pinagtatakhan din nila kung paano nagkayayaan doon ang mga bata gayong ilang minutong lakad ang layo nito sa kanilang mga bahay.

Drowning ang nakalistang cause of death ng mga bata. 

Ayon naman sa mga pamilya, patatapusin nila ang pagluksa sa mga bata bago makipag-usap sa mga kinauukulan tungkol sa nangyari. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.