PatrolPH

Pag-aaral: COVID-19 virus posibleng tumagal ng 28 araw sa pera, bakal, cellphone screen

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2020 07:08 PM

Watch more on iWantTFC

Lumabas sa isang pag-aaral na kayang tumagal ng halos 1 buwan ang coronavirus disease (COVID-19) virus sa ilang bagay tulad ng pera, screen ng cellphone, at stainless steel. 

"Researchers at CSIRO, Australia's national science agency, have found that SARS-CoV-2, the virus responsible for COVID-19, can survive for up to 28 days on common surfaces including banknotes, glass – such as that found on mobile phone screens - and stainless steel," ayon sa pag-aaral mula sa National Science Agency ng Australia. 

Lumalabas din sa nasabing pag-aaral na puwedeng tumagal ang virus nang ganito kapag malamig, at kapag ang kinakapitan na materyal ay makinis. 

Paliwanag ni Dr. Anna Ong-Lim, Infectious and Tropical Disease Section chief ng Philippine General Hospital, posible ito dahil nabubuhay ang virus sa labas ng katawan ng tao dahil sa mga droplet. 

"Dito sa mga respiratory viruses karaniwan 'yong mucus na nanggagaling sa plema or sa sipon, doon namamahay ang mikrobyo, yung virus. And for as long as that particular substance… Or minsan kahit natuyo na siya, puwedeng nandodoon pa rin 'yung virus tapos kung nahawakan natin o nalanghap natin doon na tayo mahahawahan," aniya. 

Giit pa ni Lim, hindi rin masisiguro ng pagdi-disinfect ang pagpatay sa virus. 

"Nagkakabisa lang ‘yung disinfectant na ‘yun kung hinahayaan nating ma-cover ‘yung buong surface at nandodoon siya sa surface na iyon for a minimum of 10 minutes… So kahit ini-spray-an niyo pa rin, hindi pa rin tayo dapat nagha-handle nang hindi natin hinuhugasan yung kamay natin bago tayo, for example, hahawakan ang mukha," ani Lim. 

Ito umano ang dahilan kung bakit mas importanteng sumunod sa minimum health standards tulad ng paghuhugas ng kamay. 

Nakakatulong din aniya ang pagsuot ng face mask at face shield dahil napipigilan nito ang mga tao na humawak sa kanilang bibig, ilong, at mata na puwedeng pasukan ng virus. — Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.