15 mangingisda sa Pangasinan, nasagip matapos tumaob sa laot ang kanilang bangka

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2020 05:36 AM

MAYNILA - Nakauwi ng ligtas ang 15 mangingisda mula Infanta, Pangasinan matapos tumaob ang kanilang sinasakyang fishing vessel nitong nakaraang linggo.

Halos 5 araw silang nagpalutang-lutang sa dagat nang hampasin ng malalakas na alon ang kanilang bangka sa parte ng Agno, Pangasinan.

Nakahingi ng tulong ang dalawa sa mga mangingisda gamit ang service boat ng fishing vessel para makabalik sa Infanta.

Ayon kay Commodore Gene Basilio, district commander ng Philippine Coastguard North Luzon, inabutan ng masamang panahon sa laot ang mga mangingisda.

Nakatulong ang paglabas ng PCG-NG notice to mariners sa mga foreign vessel para ma-rescue ang grupo.

Isang Panama-registered bulk carrier ang nakasagip sa mga mangingisdang palutang-lutang.

Dahil matataas pa rin ang alon sa Pangasinan, sinalubong na lang ng PCG sa Bagac, Bataab ang foreign vessel para sunduin ang mga na-rescue.

Agad nilapatan ng Coast Guard Medical Service ng paunang lunas ang mga tinamo nilang minor injuries bago inihatid sa Barangay Cato sa Infanta, Pangasinan.

Sa mga lugar na nakataas ang gale warning dahil sa masamang panahon, nakiusap ang Philippine Coast Guard sa mga mangingisda na huwag piliting lumaot para maiwasan ang sakuna sa dagat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.