Doktora sa UERMMMC 3 araw nang nawawala; pamilya nababahala

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2019 06:21 PM | Updated as of Oct 13 2019 07:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Patuloy na nananawagan ang pamilya ng nawawalang doktora ng University of the East – Ramon Magsaysay Memorial Medical Center (UERMMMC) para sa paglutang nito matapos huling mamataan noong Oktubre 10.

Sa isang CCTV footage noong Huwebes, 11:45 ng gabi ay nakita pa ang 30-anyos na si Dra. Averille Victoria Caridad na pasakay ng tricycle.

Nakasuot ng puting t-shirt at pants at naka-green na backpack si Caridad.

Malapit lang sa mall sa Sta. Mesa, Quezon City ang kuha ng CCTV na ilang metro lang din ang layo sa UERMMMC kung saan nagtatrabaho ang doktor.

Sa mga social media unang lumutang ang impormasyon ng pagkawala ni Caridad.

Palaisipan sa pamilya ng doktor ang insidente lalo't wala umanong kagalit ang ito.    

"Tumutulong po sa aming pamilya ang aking kapatid mabait po siya," sabi ni Gian Caridad, kapatid ng nawawala. 

Nanawagan si Gian na ipagbigay-alam sa kanila ang ano mang impormasyon sa kinaroroonan ng doktora.

"Kung sinuman po ang mga nakakaalam kung nasaan ang aming kapatid sana po ipagbigay-alam ninyo sa mga awtoridad," aniya. 

Naitimbre na ng pamilya Caridad sa pulisya ang pagkawala ng doktor. —Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.