Bus inararo ang bakod ng MMDA sa East Avenue

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2019 10:07 AM

Sumampa sa bangketa ang bus at binangga ang isang poste matapos araruhin ang bakod ng MMDA sa Quezon City, Linggo. ABS-CBN News

MAYNILA -- Inararo ng isang pampasaherong bus ang bakal na bakod ng MMDA sa westbound lane ng East Avenue sa Quezon City nitong Linggo.

Tatlong pasahero ang nagtamo ng gasgas sa katawan at agad dinala sa East Avenue Medical Center.

Ayon kay Rey Gonzaga, driver ng bus na biyaheng Baclaran-Fairview, nawalan umano siya ng preno kaya kinabig niya pakanan ang bus para iwasan ang mga nakahintong sasakyan sa harapan nito sa intersection ng V. Luna at East Avenue. 

Sumampa pa sa bangketa ang bus at binangga ang isang poste. Basag-basag naman ang windshield ng bus at nasira ang bumper nito. 

Hindi pa naiaalis ang naaksidenteng bus pero hindi naman ito nagdulot ng mabigat ng daloy ng trapiko. Posibleng kasuhan ng reckless imprudence resulting in physical injury at damage to public property ang bus driver.

-- Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.