90 anyos patay nang pukpukin, pagnakawan umano sa Iloilo City

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2019 03:16 PM

ILOILO CITY - Natagpuan nitong Linggo ng umaga ang bangkay ng isang 90 anyos na babae sa loob ng kanyang bahay sa lungsod. 

Kinilala ang biktima na si Rosa Argel, isang retiradong guro. 

Ayon kay Punong Barangay na si Joseph Porral, pumunta sa bahay ang ilang kamag-anak ng biktima para alamin ang kalagayan ng biktima. 

Ilang araw na raw kasi itong hindi nakikitang lumalabas ng bahay. Dahil naka-lock ang pinto, napilitan silang sirain ang bintana. 

Nang pumasok sa bahay ang mga kaanak, doon na nila nakita ang bangkay ni Argel na nakahiga sa sahig at may unang nakapatong sa kaniyang mukha. 

Kalat din ang mga gamit ng biktima sa sahig, ayon sa mga awtoridad. 

Namataan ang ilang senyales ng hematoma sa ulo ng biktima, batay sa inisyal na imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives ng lungsod. 

Hudyat umano ito na maaaring pinukpok ng matigas na bagay ang biktima. 

Inirekomenda ng SOCO sa pamilya na isailalim muna sa autopsy ang bangkay para matukoy kung ano ang ikinamatay nito. 

Inaalam pa kung may mga nawawala sa gamit ng biktima. 

Sa ngayon, robbery ang isa sa mga motibo na iniimbestigahan ng mga otoridad kaugnay sa pagpatay sa matanda. -- Ulat ni Jennifer Garcia Hernandez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.