1 drug pusher, 3 iba pa timbog sa Makati buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2019 02:47 PM

MAYNILA — Arestado nitong Linggo ang 1 tulak ng droga at 3 iba pa niyang kasamahan sa ikinasang buy-bust operation ng Makati police. 

Nangyari ang transaksiyon sa pagitan ng police poseur buyer at ng pusher na si alyas "Mel" sa bahay ng suspek sa Barangay East Rembo.

Nang makumpirmang nagbebenta nga ng droga si Mel, hinuli na ito kasama ang 3 iba pang nandoon sa bahay na aktong nagda-drug session umano.
 
Nakuha sa 4 na suspek ang 43 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P21,500.

Marami pang drug paraphernalia ang nasamsam ng mga pulis sa bahay ni Mel.

Napag-alaman din na ang isa sa mga nahuli ay nakulong na rin dati dahil sa droga. 

Ngayon ay nasa Makati police station na ang mga suspek at nakatakdang kasuhan.


— Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.