SOCO: ‘Faith healer’ sa Tarlac arestado sa pangmomolestiya umano ng kabataan

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2018 02:55 PM

 

Matapos ang tatlong taong paghahanap, naaresto ng mga awtoridad ang 39 anyos na si alyas “Nikdaw” sa Cainta, Rizal na wanted sa kasong 3 counts of acts of lasciviousness.

Ito ay dahil sa umano’y pangmomolestiya nito sa tatlong kabataan sa Mayantoc, Tarlac noong 2015.

Kilala umanong faith healer noon sa lugar si Nikdaw.

“Nawawalan siya ng malay ['pag nanggagamot]. Nahihimatay siya, tapos ‘yun na. Nag-iiba na 'yung salita niya, 'yung boses niya parang Sto. Niño,” kuwento ni alyas "Mylene," ina ng isa sa mga batang biktima.

Dahil sa kakayahan umanong manggamot at manghula, maraming kabataan ang humanga kay Nikdaw, kasama na ang sinasabing tatlong biktima.

“Pinatulog niya sa kuwarto 'yung tatlong bata. Tapos sabi niya matulog na sila para ihahanda daw 'yung pray over...'Yung mga bata, naniwala naman sa kaniya na talagang ipe-pray over sila, eh ‘yun pala iba naman pala ang gagawin niya sa kanila,” ani Mylene.

"Tapos don na sila hinalay at ginawan nang hindi maganda,” dagdag ng ina.

Napansin na lang ng mga magulang ng mga biktima noong sumunod na araw ang kakaibang kilos ng mga bata.

“Nung kinaumagahan, ‘yun po nalaman po namin na ganon po, namolestiya nga sila ni Nikdaw at kami’y nag-usap-usap sa barangay hall noon,” ayon naman kay Vicky, ina ng isa pang batang biktima.

Humingi ng tulong ang mga magulang sa barangay at kalauna'y nagharap sila at ang akusado.

Itinanggi umano ng suspek ang paratang.

Pero sa gitna ng diskusyon, bigla umanong tumirik ang mga mata at sumuka ng dugo si Nikdaw.

“Kinagat niya 'yung dila niya at parang sinasapian na hindi makapagsalita. Kasi hindi nga nagsalita kasi alam niya 'yung ginawa niya,” sambit ni Mylene.

Isinakay raw si Nikdaw sa tricycle para isugod sa ospital, pero huli na nang mapagtanto nilang walang ibang kasama ang akusado para siguruhing hindi siya makakatakas.

Panoorin ang buong kuwento sa “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Oktubre 13, 4:15 p.m. pagkatapos ng “Ipaglaban Mo!” sa ABS-CBN.

Sundan ang “SOCO” sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv) para sa iba pang detalye.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.