SAPUL SA CCTV: Pulis, 'nagtanim' ng marijuana?

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2018 03:49 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

ISABELA - Nakuhanan sa CCTV ang umano'y pagtanim ng ilegal na droga ng pulis sa isang lalaki sa Santiago City nitong Huwebes.

Hinuli ang lalaki dahil sa pagdukot umano ng isang dalagita na giit nito ay kaniyang kasintahan.

Sa kuha ng video, kakababa lang ng lalaki, kasama ang dalagita, sa motorsiklo nang lapitan ng mga pulis.

Inilayo ang dalagita habang inaresto ang lalaki. Nakuhanan ang lalaki ng 2 pakete ng umano'y marijuana.

Duda naman ang pamilya ng lalaki na gumagamit ito ng ilegal na droga. 

Makikita sa video ang isang pulis na may dinukot sa kaniyang bulsa habang nakaharang ang kaniyang kasamahang pulis.

"Meron pong humahawak sa kaniya. Meron pong dinukot na nakita ko. Frame-up po sir. Mabait ang anak ko," pahayag ng nanay ng lalaki.

Pinabulaanan din ng nanay ang alegasyon na dinukot ng kaniyang anak ang dalagita. Siya pa umano mismo ang tumawag sa pamilya ng dalagita para ipaalam ang kinaroroonan nito.

Depensa naman ng lalaki, magkasintahan sila ng dalagita.

"Siya po ang kusang nagbiyahe. May problema raw kasi siya sa pamilya niya," aniya.

Hamon naman ni Chief Insp. Rolando Gatan, commander ng Santiago City Police Station 1, patunayan nila ang paratang ukol sa pagtatanim ng droga.

"Kung may ebidensiya sila ay patunayan nila," aniya.

Dagdag ni Gatan, Martes pa raw nawawala ang dalagita nang umalis sa kanilang bahay sa Rizal.

"Na-locate natin kung saan ang bata na nawawala. Nasa poder nitong lalaki," aniya.

Hindi na umano magsasampa ng kaso ang pamilya ng dalagita laban sa lalaki.

Pero inihahanda na ng pulisya ang pagsampa ng reklamo laban sa lalaki dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.