SAPUL SA CCTV: 2 lalaki nagnakaw sa karinderya sa Lipa

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2018 03:04 PM | Updated as of Oct 13 2018 09:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ng awtoridad ang dalawang kawatang nanloob at tumangay umano ng P50,000 sa isang karinderya sa Lipa, Batangas.
 
Sa kuha ng CCTV nitong Oktubre 8, pumasok ang isa sa kanila sa karinderya, habang nagsilbi namang lookout ang kasamahan niya. 

Nang makapasok, agad nitong pinuntahan ang puwesto ng kahera at dinampot ang plastic na naglalaman ng mga barya, isang alkansya, at perang galing sa isang pitaka. 

Matapos ang halos 30 minuto, naghahanap pa ng puwedeng makuha ang suspek. Nang makalabas, inabot niya sa kasamahan ang nilimas na pera na aabot sa P50,000. 

Ayon sa may-aring si Anneth Olan, nakita na lang niya kinaumagahan ang wallet na naglalaman ng kaniyang kita sa sahig, at ang kaha ng karinderya.

Hinala ni Olan na binutas ng mga kawatan ang sawaling dingding ng kaniyang karinderya para makapasok. 

"Nilagay ko 'yung aking bag sa may counter… nakita ko, open 'yung aking kaha, 'yung lagayan ko ng pera. Tapos nakita ko nakakalat 'yung wallet ko na lagayan ko ng benta sa sahig," aniya. 

"Chineck ko 'yung bintana ko, 'yung pinto ko, nakasarado naman. So nakita ko 'yung dingding ko, binutas na doon dumaan," dagdag ng may-ari. 

Nagpakalat na ang mga pulis ng larawan ng mga suspek base sa kuha ng CCTV. 

Plano naman ng may-ari na ipasemento na ang dingding ng kainan para hindi ito muling mapasok pa ng mga masasamang loob.

-- Ulat ni Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.