Pinaslang na alkalde ng Sudipen inilibing na

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2018 03:09 PM

Misa para sa napaslang na alkalde ng Sudipen, La Union. Leo Mercado, ABS-CBN News


SUDIPEN, La Union- Inilibing na nitong Sabado ng umaga ang pinaslang na alkalde ng bayan na si Alexander Buquing.

Bago ang libing sa pampublikong sementeryo ng Barangay Castro, isang misa muna ang idinaos ng mga kaanak at taga-suporta ng yumaong alkalde.

Namatay ang alkalde habang sugatan naman ang kaniyang asawa na si Wendy Buquing matapos tambangan noong nakaraang linggo. Napatay rin sa insidente ang drayber at bodyguard ng alkalde.

Nag-alay ng mga bulaklak at panalangin ang mga dumalo sa misa bago magprusisyon papunta sa sementeryo.

Isang maikling pagpupugay at 21-gun salute ang isinagawa rin para sa alkalde.

Ang nakatatandang kapatid ng alkalde na si Jubert Buquing ay nananawagan naman ng tulong mula kay Pangulong Rodrigo Duterte. 

Hiling niya, mapanagot ang mga tao sa likod ng pagkamatay ng kaniyang kapatid.

Nahuli na nitong linggo ng mga pulis ang isa sa hinihinalang sangkot sa pagkamatay ng alkalde.

Si Buquing ay ang ika-17 halal na opisyal na napaslang sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte.

Nanumpa na ang kaniyang asawa bilang bagong alkalde ng bayan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.