Pagkamatay ng 3 inmate sa Pasay City Police station, iniimbestigahan na

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2018 12:05 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Naghahanap na ng lugar kung saan pansamantalang ikukulong ang ilang detainees ng Pasay City Police matapos mamatay ang tatlong preso nito Huwebes ng gabi dahil umano sa heatstroke sa siksikang selda.

Ayon kay Senior Supt. Noel Flores, hepe ng Pasay City Police, gumagawa na sila ng paraan para kahit papaano ay mas maging komportable sa loob ng selda ang mga nakakulong doon. 

Ililipat aniya ang ilang inmates sa authorized lockup facilities sa mga Police Community Precinct (PCP). 

Umaasa rin silang mapabilis ang pagpataw ng korte ng commitment order para mailipat na sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang mga nakakulong.

Pero habang naghihintay pa, magdaragdag na sila ng exhaust fans sa kulungan at nagkakaroon na ng regular medical checkup para sa mga nakakulong.

Hinihintay pa ang autopsy results para sa tatlong inmates na namatay dahil umano sa congestion sa selda. 

Hindi pa matiyak kung may foul play na naganap habang patuloy na iniimbestigahan ang insidente.

Huwebes ng gabi nang inakala ng mga pulis na nahimatay ang tatlong inmates. Pero dead on arrival ang mga ito nang dalhin sa pagamutan.

Pawang kasong drugs ang kinasangkutan ng tatlong namatay na inmates. 

Hindi ito ang unang beses na may namatay sa Pasay City Police Station. Noong Abril, may inmate din na namatay dahil sa init sa loob ng kulungan. Mayroong mahigit 80 preso ang nasa isang selda na may kapasidad lamang na 30.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.