P1.2-M halaga ng 'shabu', nasamsam sa Maynila; 5 katao, huli sa buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2018 04:10 AM

MAYNILA - Nasamsam ng mga pulis ang nasa P1.2 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa isang apartment sa San Andres Bukid, Maynila.

Nahuli rin ang 5 katao, kabilang ang 3 magkakamag-anak, na umano'y sangkot sa ilegal na gawain.

Ayon kay Senior Insp. Joel Cabauatan, bumili ang poseur buyer ng P200,000 halaga ng shabu sa mga suspek.

Nang magpositibo ang transaksiyon, agad inaresto ang mga suspek. Nakuha sa kanila ang nasa 175 gramo ng umano'y shabu na nagkakahalaga ng P1.2 milyon.

Itinanggi naman ng mga suspek na sa kanila ang mga nakumpiskang droga.

Ayon sa pulisya, sangkot din umano ang mga suspek sa iba't ibang krimen, gaya ng pagnanakaw. - ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.