3 residente inireklamo ang sala-salabat na kable ng Meralco

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2018 07:40 PM

Watch more in iWantTFC

Reklamo ng tatlong residente sa Pasig at Parañaque ang nakahambalang at buhol-buhol na kable ng kuryente na umabot na sa rooftop at anila'y peligroso kapag sumayad na sa kanilang bahay.
    
Mukhang sampayan na ang itsura ng mga kable ng kuryente sa rooftop ng bahay ni Mylene Marquez sa Pineda, Pasig City.
    
Nilagyan na lang niya ito ng kahoy na pangsuporta para di sumayad ang wires sa bahay niya.
    
Dalawang taon na raw nila itong inirereklamo sa Meralco at ngayon ay hinihingan pa umano sila ng bayad para ilipat ang mga kable.

Idinulog ng "Tapat Na Po" sa Meralco ang problema pero anila, hindi natuloy ang paghuhukay ng paglilipatan ng poste dahil umalma daw ang kapitbahay ni Marquez.

Sa Santolan, Pasig naman, binalot na lang sa PVC pipe ang mga kable na nakapasok na sa terrace ng isang bahay.

Isang taon na raw itong inireklamo pero nanlumo sila nang siningil ng mahigit P100,000 para mailipat ang mga kable.

Kable sa bubungan din ang problema ng isang bahay sa Parañaque City. 

Kuwento nila, makalipas ang mahigit isang taong ng mga followup ay tsaka pa lang naaksiyonan ang problema.

"Kasi nagkakaroon ng extension pataas ang bahay. Prior to that, di naman kami mag-iinstall na magiging source of accident o magiging danger sa community," paliwanag ni Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga.

Tiniyak naman ng Meralco na aaksiyonan nila ang mga reklamo ng dalawang naunang complainant sa pakikipagtulungan sa barangay.

Kadalasan daw kasi ay may problema sa right of way ng puwestong paglilipatan ang mga kableng sala-salabat, ayon sa Meralco.
    
Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.