1 pulis na umano'y nasa 'narco-list,' 3 iba pa patay sa ambush sa Talisay City

Aiza Marrie Layague, ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2018 09:34 AM

Tadtad ng bala ang sasakyan ng mga biktima matapos ang ambush. Patay lahat ang sakay nito maging ang scavenger na aksidenteng natamaan ng bala. Larawan mula kay Manuel Gonzales

TALISAY CITY – Isang pulis na dawit umano sa ilegal na droga at tatlong iba pa ang nasawi sa ambush na naganap sa Ranger Street, Barangay Pooc dito, Biyernes ng tanghali.

Patay sa pananambang si PO3 Michael Santino Cortes, dating naka-assign sa Barili Police Station na umano ay nasa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga may kinalaman sa ilegal na droga. 

Nasawi din ang mga kasama niya sa sasakyan na sina Dennis Patiluna at Jose Soronio. Namatay naman ang scavenger na si Cresencia Ranghos nang aksidenteng tamaan ng bala sa ambush.

Ayon sa kapatid ng pulis, pauwi na sana ang biktima matapos dumalo sa court hearing sa Barili.

Base sa mga nakasaksi sa insidente, pinagbabaril ng dalawang armadong lalaki na nasa tabi ng kalsada ang sasakyan ng mga biktima.

Patuloy namang iniimbestigahan ng awtoridad ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.