2 taga-Immigration, iwas-plunder dahil sa ebidensiyang kulang ng P1,000

ABS-CBN News

Posted at Oct 13 2017 09:09 PM | Updated as of Oct 14 2017 09:12 AM

Sisiguruhin ng mga senador na mananagot ang dalawang dating Immigration officials sa kulang na isinauling pera upang manipulahin umano ang kanilang mga kaso. 

Matatandaang naging kontrobersiyal ang sinasabing paghingi ng P50 milyong suhol nina dating Immigration officials Al Argosino at Michael Robles sa negosyanteng si Jack Lam upang pakawalan ang ilan nitong hindi dokumentadong Chinese na trabahador. 

Kalaunan ay isinauli ng dalawa ang pera, na itinago lamang umano nila bilang “ebidensiya.”

Ang P18 milyon sa nakuhang pera ay ibinigay sa PNP-CIDG, ang P2 milyon ay nasa kustodiya ng Office of the Ombudsman, at ang P29,999,000 ay nasa DOJ. 

Sumatotal, P49,999,000 lamang ang naibalik nina Argosino at Robles. 

Ang mga senador, hindi makapaniwala sa impormasyong isiniwalat ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na tinanong ng update sa kaso ng dalawa sa Senate hearing tungkol sa budget ng DOJ nitong Martes. 

Duda ng mga senador, sinadya ang pagkaltas ng P1,000 upang makaiwas ang dalawang Immigration officials sa hindi napipiyansahang krimen na plunder. 

Si Senador Loren Legarda, inakalang nagbibiro lamang si Aguirre sa sinabi. 

"It's a joke. Oh, it's not a joke? Kulang po ng P1,000 bago maging plunder."

Tinawag naman ni Senador JV Ejercito na “garapal” ang umano’y pagkakawala ng P1,000. 

"Masyado namang halata, P1,000 lang kinuha para lang ‘di pumasok sa plunder kasi less than P50 million. Sobra namang garapal," pahayag ni Ejercito. 

Si Senador Franklin Drilon, nais paimbestigahan sa opinina ni Pangulong Rodrigo Duterte ang aniyang “obstruction of justice.”

"I call for an investigation because this is obstruction of justice para whoever is responsible should be punished. I condemn in the strongest possible term this mockery of justice… I call on the Office of the President to constitute an independent probe,” ani Drilon. 

Nais naman ni Senator Joel Villanueva na masama sa committee report ng Senado ang tangkang paglusot nina Argosino at Robles sa kasong plunder.

Pag nagkataon kasi, walo hanggang 12 taon lang makukulong ang dalawa.

Wala pang pasabi ang Senate blue ribbon committee kung muling bubuksan ang imbestigasyon sa nawawalang P1,000 mula sa P50 milyon na ebidensya sana ngayon ng gobyerno. 

--Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.