PatrolPH

Pagbisita sa mga sementeryo bago ang pagsasara sa Undas nagsimula na

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2021 06:35 PM | Updated as of Oct 12 2021 07:54 PM

Watch more on iWantTFC

Maagang pumunta ng Manila North Cemetery si John Cabasal para maglinis ng puntod ng kaniyang mga namayapang kamag-anak.

Inagahan na niya ang paglilinis para hindi na sumabay sa dami ng mga taong bibisita sa sementeryo dahil isasara ito sa Undas.

Sa inilabas na Executive Order No. 33 ng lokal na pamahalaan ng Maynila, mula alas-5 ng hapon ng Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3, sarado sa bisita ang lahat ng pampubliko at pribadong sementeryo sa lungsod.

Tuloy naman ang pagpapalibing at cremation pero maghihigpit sa mga papasok na sasakyan at mga karo ng patay lang ang papayagang makapasok.

Nagpaalala rin ang pamunuan ng sementeryo sa mga maagang pupunta. 

"Medyo tiis-tiis lang tayo kasi tayo ay nasa pandemya kaya sumunod na lang tayo sa ating health protocols at restrictions," ani Roselle Castañeda, direktor ng Manila North Cemetery.

Tantiya ng pamunuan ay nasa 30 porsiyento ng mga karaniwang nagpupunta kapag Undas ang maagang bumisita.

Noong weekend, nasa 2,000 hanggang 3,000 ang pumunta. Inaasahang dadami pa ito sa mga susunod na araw.

Dahil dito, umaasa rin ang mga nagtitinda ng bulaklak na makababawi sila dahil sa 2 taon na ring balik-puhunan lang ang kanilang kita.

"Matumal ngayon. Simula noong mag-pandemic, wala gaanong benta," sabi ng tinderang si Ruby Santos.

Sa Manila South Cemetery, may mga maaga ring naglinis ng kanilang mawsoleo.

May ilan ding nag-alay ng bulaklak at nagtirik ng kandila sa kanilang mga namayapang kamag-anak.

Ayon sa pamunuan ng Manila South Cemetery, nitong linggo ang pinakamaraming bumisita, na umabot sa 2,000.

Inaasahan nila na sa susunod na linggo ay dadami pa ang pupunta bago ipagbawal ang bisita.

Nagkasundo naman ang Metro Manila Council na maglabas ng ordinansa para isara sa publiko ang mga pampubliko at pribadong sementeryo, memorial parks at columbariums mula Oktubre 19 hanggang Nobyembre 2.

Ito'y para mahikayat ang publiko na bumisita nang mas maaga o pagkatapos ng mga nasabing petsa.

Ang pagpapalibing at cremation ay alinsunod pa rin sa ipinatutupad na patakaran ng Inter-Agency Task Force.

— Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.