Naniniwala ang isang grupo ng mga doktor na dapat palawigin pa ang Alert Level 4 sa National Capital Region (NCR) sa kabila ng pagbaba ng mga kaso ng COVID-19.
"Baka dumami na naman 'yong mga kaso natin," sabi ni Philippine College of Physicians (PCP) President Dr. Maricar Limpin.
"Siguro hintayin muna natin na umakyat-akyat nang mataas-taas 'yong number ng mga taong nabakunahan," aniya.
Hanggang Oktubre 15 na lang kasi epektibo ang Alert Level 4 sa Kamaynilaan.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na malaki ang tsansang ibaba ang alert level ng Metro Manila bunsod na rin ng pagbaba ng intensive care unit utilization rate.
Tingin din ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na handa na ang NCR para sa mas mababang alert level.
"Napakaganda ng pagbaba ng mga numero ng kaso sa Metro Manila," ani DILG Spokesperson Jonathan Malaya.
"I think handa na po tayo, ang ating mga kababayan ay umaasa na ring bababa ang alert level sa Metro Manila," dagdag niya.
Pero para kina Limpin, minsan palaisipan sa kanila kung paano bumaba ang bilang ng mga kaso kahit nananatiling marami ang pasyente sa mga ospital.
"Maski po ang emergency room ay puno pa rin. Minsan nagtatanong-tanungan na kami sa isa’t isa kung totoo ba ang nakikita nating figures na inilalabas ng Department of Health kasi hindi rin naming masyadong maintindihan," ani Limpin.
Mula Oktubre 4 hanggang 10, bumaba sa 11.7 porsiyento ang positivity rate ng Metro Manila at 1,933 ang average na bilang ng mga bagong kaso.
Malayo na ito sa 25.2 porsiyentong positivity rate at 5,935 average cases noong Setyembre, na itinuturing na peak o pinakamataas.
Pero kung ikukumpara ang datos ng Oktubre 4 hanggang 10, mas mataas pa rin ito kaysa noong kalagitnaan ng Hulyo o iyong bago magkaroon ng surge dahil sa mas nakahahawang Delta variant.
Ang positivity rate noong Hulyo 9 hanggang 15 ay nasa 5.5 porsiyento, halos pasok sa benchmark ng World Health Organization na 5 porsiyento. Nasa 627 naman ang average na bilang ng mga kaso kada araw.
Kaya ayon kay ABS-CBN Data Analytics head Edson Guido, kahit pa nakikita ang pagganda ng mga numero sa Kamaynilaan, dapat hindi magbago ang antas ng pag-iingat ng publiko.
"At this point na hindi porke't mababa 'yong numero, 'yong behavior natin babalik na sa normal katulad noong bago mangyari itong pandemic," ani Guido.
Ngayong Martes, nakapagtala ang DOH ng 8,615 bagong kaso ng COVID-19 para sa kabuuang 2,683,372 kumpirmadong kaso.
Sa bilang na iyon, 82,228 ang active cases, ang pinakamababang bilang ng active cases sa loob ng 2 buwan o mula Agosto 11, ayon sa ABS-CBN Investigative and Research Group.
— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Covid-19, coronavirus disease, coronavirus Philippines update, Philippine College of Physicians, Alert Level 4, National Capital Region, NCR alert level