PatrolPH

Contractor sa Bangon Marawi projects na-scam umano, natangayan ng P37 milyon

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2021 08:24 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang subcontractor na si Ulysses Basa matapos umanong takbuhan ang isang contractor ng Task Force Bangon Marawi. 

Reklamo ni Lorna Alocotan, may-ari ng L& E Construction, 6 buwan daw niyang tinapos ang mga proyektong kalsada, waiting shed at drainage sa probinsiya pero hindi raw siya nabayaran ni Basa.

Ayon sa biktima, P37 million ang nawala sa kanya dahil sa gastos sa mga proyekto, kasama na ang pera at luxury car na hiningi daw sa kanya ni Basa bilang suhol umano para mapunta sa kanya ang mga Bangon Marawi projects.

"Para daw sa project manager na hinihingan ng plano. Bago makapasok kailangan daw magbigay na pera P6 million at Fortuner kasi kung hindi ka magbibigay hindi sa akin ibibigay ang mga plano," kuwento ni Alocotan.

Tumangging magbigay ng panayam si Basa, pero sa paliwanag niya sa NBI, itinanggi niya ang mga akusasyon. 

Ayon sa NBI, gumamit pa ng pekeng address ang suspek sa kanilang kasunduan.

"Para ma-entice 'yung may-ari nag-submit siya ng MOA na konektado siya sa MBC Ayala. Pero wala namang MBC Ayala sa building na 'yon," sabi ni Yuri Beltran ng NBI-NCR.

Ipapatawag na ng NBI ang iba pang mga contractor sa mga proyekto dahil hindi pa malinaw kung saan napunta ang perang dapat na ipambayad sa biktima. 

Ayon naman sa Task Force Bangon Marawi, alam nila ang reklamo at isolated case lang daw ito. Ipinag-utos na rin nila ang imbestigasyon sa reklamong ito. 

—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.