Kagawad, 3 miyembro ng pamilya timbog sa ilegal na sugal sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2019 04:46 AM | Updated as of Oct 12 2019 07:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

QUEZON—Arestado ang isang barangay kagawad, kaniyang mister, anak at manugang na umano'y sangkot sa ilegal na sugal na bookies sa Sariaya, Quezon.

Sinalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bahay ni Bignay Uno Barangay Kagawad Marites Ramirez Biyernes ng hapon.

Katulong umano niya sa operasyon ng bookies ang mister na si Cesar na dati ring kagawad, anak at manugang.

"Direktiba po ito ng PCSO [Philippine Charity Sweepstakes Office] na tulungan ang mga legitimate corporation na involved sa STL [small town lottery]. Nangyayari kasi kalahati lang ni-remit nila sa private corporation, 'yong private naman kalahati din, so ninanakawan nila ang gobyerno natin," ani Dominador Villanueva III ng NBI-Quezon.

Anak ng mag-asawa ang naabutan ng NBI sa bahay. Ipinatawag si Marites na naka-duty noon sa barangay hall at kaniyang mister na nasa isa pa nilang bahay.

Sa una’y todo tanggi ang mga suspek sa operasyon ng bookies.

"Ngayon lang 'to 'di ko alam na ganiyan," ani Marites.

"May bahay po ako do'n sa kabila. Hindi po ito sa akin," depensa ni Cesar.

Nasamsam sa bahay ang mga gamit sa pagpapataya ng STL at pera na nasa P30,000.

Kaya kalaunan ay umamin din si Marities.

"Kami po ay nag-remit siyempre. Nilalagay muna namin dito para 'pag dumating 'di magkaproblema tinayaan ng tao. May ID naman po kami 'yon paniniwala ko," aniya.

Ipinagtanggol naman ng ilang residente ang mga suspek.

"Mabait ang mga taong 'yan," ani Anita Chavez.

Bukod sa illegal gambling, mahaharap din ang mga suspek sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil sa pagpapataya online.—Ulat ni Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.