6 sako ng ‘hot meat’ kumpiskado sa checkpoint sa Abra

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2019 05:04 PM | Updated as of Oct 12 2019 05:09 PM

Tumambad sa mga awtoridad ang 6 na sako ng atay ng baboy na wala umanong kaukulang papeles. Retrato mula sa San Quintin Police

SAN QUINTIN, Abra—Sako-sako ng "hot meat" o mga karneng mula sa hindi awtorisadong katayan ang nakumpiska ng mga awtoridad sa checkpoint ng bayang ito Sabado.

Naharang ng pulisya ang bus na bumabaybay sa Barangay Tangadan, San Quintin, at doon tumambad sa mga awtoridad ang 6 na sako ng atay ng baboy.

Pag-aari umano ang karne ng isang 43-anyos na negosyante mula sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan.

Nanggaling daw sa San Fernando, La Union, ang mga atay at dadalhin sana sa Bangued, Abra.

Ayon sa National Meat Inspection Service sa Cordillera, walang kaukulang papeles ang ibinyaheng mga karne.

Bukod pa rito, mayroon nang inilabas na ordinansa ang Abra na pinagbabawalan ang pagpasok ng karneng baboy mula sa ibang lugar bunsod ng banta ng African swine fever.

—Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.